Ang Misteryo ng Yuba County Five
Ang Kwento
Nanood lang sila ng basketball. Pero imbes na umuwi, napadpad ang limang lalaking ito sa nagyeyelong bundok. Apat ang natagpuang patay. Ang isa, hanggang ngayon, nawawala. Kilalanin natin sila.
Si Jack Madruga, trenta anyos. Si Bill Sterling, bente-nuwebe. Si Jackie Huett, bente-kuwatro.
Si Ted Weiher, trenta'y dos. At si Gary Mathias, bente-singko. Lahat sila, may intellectual disability o mental illness. Magkakasama sila sa isang basketball team, ang Gateway Gators.
Si Gary, dating sundalo na na-diagnose ng schizophrenia, at nagpapagamot noon. February 24, 1978. Nagmaneho sila papuntang Chico, para manood ng laro ng UC Davis laban sa Chico State. Panalo ang Davis. At kinabukasan, sila naman ang may laro: ang unang laro nila sa isang Special Olympics tournament. Inihanda na ng ilan sa kanila ang uniporme nila. Ito ang huling isinulat ni Ted sa notebook niya.
Bandang alas-diyes ng gabi, bumili sila ng snacks, soda, at gatas sa isang tindahan. Natandaan sila ng tindera, dahil naantala nila ang pagsasara. Iyon na ang huling kumpirmadong pagkakita sa kanila. Hindi sila nakauwi. Kinaumagahan, nag-report na sa pulis ang mga pamilya. Makalipas ang ilang araw, isang forest ranger ang nagsabing nakita niya ang kotse nila noong February 25, sa bundok ng Plumas National Forest. Mga 70 milya ito mula sa Chico, at malayo sa daan pauwi.
Ayon sa pamilya ni Jack, ayaw niya sa lamig, at hindi pa siya nakakaakyat sa bundok. Noong February 28, pinuntahan ito ng mga pulis. Naipit lang ito sa snow. Nang i-hotwire nila, umandar agad, at may quarter tank pa ng gas. Ayon sa pulis, kaya itong itulak ng limang lalaki palabas ng snow. Wala ang susi. Hindi naka-lock, at nakababa ang isang bintana, bagay na hindi raw gagawin ni Jack. At kahit lubak-lubak ang daan, walang kahit isang gasgas ang ilalim ng kotse.
Sa loob: mga balot ng snacks, programa ng laro, at isang maayos na nakatuping mapa ng California. Pero bumagsak ang matinding snowstorm. Muntik pang maligaw ang mga naghahanap, kaya itinigil ito. Balikan natin ang gabi ng February 24. May isang saksi: si Joseph Schons. Naipit din ang kotse niya sa parehong daan, nang gabi ring iyon. Nakaramdam siya ng sintomas ng atake sa puso, kaya nanatili siya sa loob ng kotse.
Makalipas ang mga anim na oras, may nakita siyang mga headlight sa likod niya, at grupo ng tao. Isa raw, mukhang babaeng may kargang sanggol. Humingi siya ng tulong. Pero tumahimik sila, at namatay ang mga ilaw. Kinaumagahan, naglakad siya nang walong milya papunta sa isang lodge. Pauwi, nadaanan nila ang kotse ng lima, sa mismong lugar kung saan niya narinig ang mga boses. May isa pang saksi. Isang babae sa tindahan sa Brownsville ang nagsabing nakita niya ang apat sa kanila kinabukasan, sakay ng pulang pickup.
Lumipas ang mahigit tatlong buwan. Noong June 4, natunaw na ang snow. Isang grupo ng motorcyclists ang pumasok sa isang Forest Service trailer, 19.4 milya mula sa kotse. Basag ang bintana. Sa loob, nakita nila si Ted sa kama, nakabalot sa walong kumot, pati ang ulo. Gutom at hypothermia ang ikinamatay niya. Halos kalahati ng dalawandaang librang timbang niya ang nawala. Ayon sa haba ng balbas niya, posibleng mga tatlong buwan pa siyang nabuhay.
Halos ma-gangrene ang mga paa niya dahil sa frostbite. At wala ang sapatos niya. Sa mesa: ang wallet niya na may pera pa, ang singsing na may nakaukit na Ted, at isang gintong relo, na ayon sa pamilya, hindi kanya. Ang nakakakilabot? Sa labas, may tatlumpu't anim na lata ng C-ration na binuksan at kinain. Pero ang locker na may pagkaing pang-isang taon, hindi binuksan.
May gas para sa heater, posporo, at mga libro na pwedeng panggatong. May makakapal na damit pa. Pero wala ni isang ginamit. At ang mga lata? Binuksan gamit ang P-38, isang can opener ng Army. Sa lima, sina Gary at Jack lang ang marunong gumamit nito. Kinabukasan, natagpuan ang mga labi nina Jack Madruga at Bill Sterling, sa magkabilang gilid ng daan, 11.4 milya mula sa kotse.
Makalipas ang dalawang araw, ang ama mismo ni Jackie Huett ang nakakita sa mga labi ng anak niya, dalawang milya mula sa trailer. Pero si Gary Mathias? Nasa trailer ang tennis shoes niya. Posibleng isinuot niya ang sapatos ni Ted, at umalis. Ipinakalat ang litrato niya sa mga mental institution sa buong California. Pero hanggang ngayon, hindi pa siya natatagpuan. Ang teorya ng pulis: baka papunta sila sa mga kaibigan ni Gary sa Forbestown, at naligaw. Nang maipit ang kotse, sinundan daw nila ang bakas ng isang snowcat, umaasang may masisilungan.
Pagdating sa trailer, baka natakot silang gamitin ang mga gamit doon, dahil baka mapagbintangan silang magnanakaw. Pero hindi nito masagot ang lahat. Sino ang mga taong nakita ni Schons? Bakit nila iniwan ang kotseng umaandar pa? Sabi nga ng undersheriff ng Yuba County: this case is bizarre as hell. At ayon sa ina ni Jack: alam naming may nagpilit sa kanila.
Mabilisang Facts
- Noong February 24, 1978, limang magkakaibigan mula Yuba County, California ang nanood ng basketball sa Chico, at hindi na nakauwi.
- Natagpuan ang kotse nila sa bundok ng Plumas National Forest, umaandar pa at may gas. Apat sa kanila ang natagpuang patay.
- Si Gary Mathias, ang ikalima, hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Hindi pa rin nalulutas ang kaso.
Saan galing ang fact na 'to?
- Main facts (dates, car, Schons, trailer, 19.4 mi / 11.4 mi, 36 C-rations, butane heater, P-38, theory)
- "This case is bizarre as hell" (undersheriff Jack Beecham), Melba Madruga quote
- Photos of the five, Ted's notebook, missing-persons flyer, LA Times clipping, trailer bunk
- Plumas National Forest snow photos: USFS Pacific Southwest Region, public domain
- Kendall Hall, Chico State: Frank Schulenburg, CC BY-SA 4.0
- 1969 Mercury Montego (same model, NOT the actual car): Sicnag, CC BY 2.0
- Map: © OpenStreetMap contributors
- Photos of the men, notebook, flyer, newspaper: family / Yuba County Sheriff / LA Times archival images, via dyatlovpass.com.